Dagupan City – Iginiit ng Ibon Foundation ang panawagan para sa “living wage” matapos makapagtala ng higit 9 milyong pamilyang Pilipino na itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation ang tunay na layunin ng ekonomiya ay tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na trabaho na may disenteng kita at nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa.

Gayunman, aniya, dahil sa baluktot na istruktura ng pamahaalaan, hindi garantiya na ang pagkakaroon ng trabaho ay magbibigay ng maayos na pamumuhay.

--Ads--

Dito na iginiit ni Africa na hindi dapat sisihin ang mahihirap sa kanilang kalagayan.

Aniya, ang kakulangan ay nagmumula sa pamahalaan na hindi sapat ang pagtutok sa kapakanan ng mga nasa laylayan at maging ng middle class.

Dahil dito, nanindigan si Africa na hindi lubos na naipatutupad ang good governance dahil mas napapaboran umano ang interes ng malalaking negosyo at kumpanya, na nagreresulta sa labis na singil at kakulangan sa proteksyon ng mga mamamayan.

Ipinunto rin niya na posibleng may mga pansariling interes ang ilang nasa mga ahensyang may responsibilidad, dahilan upang hindi matugunan ang mga pangunahing isyu ng ekonomiya.

Sa usapin ng trabaho, sinabi ni Africa na hindi sapat ang job fairs bilang solusyon.

Sa halip, kinakailangan aniyang palakasin ang lokal na industriya upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa ekonomiya ng ibang bansa.

Binigyang-diin niya na ang pinakamahalagang hakbang ay ang pagkakaroon ng pamahalaang tunay na nagsisilbi sa interes ng pamilyang Pilipino—tapat, patas, at nakatuon sa pangmatagalang kaunlaran ng bansa.