Dagupan City – Planong magsagawa ng live shooting drill ang Malasiqui Police Station sa mga paaralan sa bayan bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan sa pagtugon sa mga insidente ng karahasan at iba pang banta sa seguridad.

Ayon kay PLtCol. Francisco Sawadan Jr., Chief of Police ng Malasiqui Police Station, mas pinaigting na ng kanilang himpilan ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay at mga paaralan upang mapalakas ang seguridad ng mga estudyante at mga guro.

Kasabay nito, nagsasagawa rin ang pulisya ng mga orientation sa mga paaralan upang ipaliwanag ang tamang hakbang na dapat gawin sakaling magkaroon ng insidente ng pamamaril o pananaksak sa loob ng campus.

--Ads--

Ani Sawadan, nakipagpulong na rin sila sa mga guro upang matukoy ang mga estratehiyang maaaring ipatupad sa loob ng mga gusali at maging sa mga open space ng paaralan para sa mas ligtas at mas organisadong paglikas ng mga estudyante sakaling magkaroon ng emergency.

Dahil dito, patuloy ang mahigpit na pagmomonitor ng Malasiqui Police Station sa mga programang pangseguridad na pinangungunahan ni Pangasinan Police Provincial Director Col. Denis De Leon, bilang bahagi ng layunin ng kapulisan na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan.