Mas pinalakas at mas pinalawak na ang serbisyong medikal para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng programang PhilHealth YAKAP (Yaman ng Kalusugan Program). Sa isang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Joseph Manuel, Ph.D., Head ng Public Affairs Unit ng PhilHealth Regional Office I, binigyang-diin ang layunin ng gobyerno na ilapit ang pangunahing serbisyong medikal at preventive care sa lahat ng miyembro at kanilang dependents.

Ang YAKAP ay ang pinalawak na bersyon ng dating “Konsulta” package kung saan mas marami nang libreng benepisyong maaaring ma-avail ng mga miyembro. Mula sa dating 21 gamot, mayroon na ngayong kabuuang 75 uri ng gamot na available, kabilang ang 21 na makukuha sa mga YAKAP clinic at 54 sa mga accredited na botika.

Kasama rin sa programa ang 13 laboratory tests at anim na libreng cancer screening tests tulad ng mammogram at ultrasound para sa breast cancer, low-dose chest CT scan para sa lung cancer, alpha-fetoprotein at ultrasound para sa liver cancer, at colonoscopy para sa colorectal cancer.

--Ads--

Ayon kay Dr. Manuel, ang programang ito ay sumasaklaw sa mga karaniwang sakit at maintenance gaya ng diabetes, alta presyon (hypertension), mataas na cholesterol, hika (asthma), COPD, at mga impeksyon. Kasama rin sa listahan ang mga gamot tulad ng paracetamol, aspirin, at orisol.

Para sa outpatient drugs, binanggit ni Manuel na mayroong inilaang pondo na hanggang ₱20,000 kada taon para sa bawat indibidwal, miyembro man o dependent.

Sa buong Region 1, mayroon nang 203 accredited YAKAP clinics, kung saan 92 rito ay matatagpuan sa Pangasinan. Para naman sa pagkuha ng gamot, mayroong 74 na accredited gamot facilities sa rehiyon, at 42 sa mga ito ay nasa Pangasinan (kabilang ang mga hospital-based pharmacies at stand-alone botika).

Upang mapakinabangan ang mga benepisyo ng YAKAP, kinakailangang maging rehistradong miyembro ng PhilHealth at magkaroon ng PhilHealth Identification Number (PIN). Maaari ring pumili ng YAKAP clinic sa pamamagitan ng E-Gov app, PhilHealth member portal, o sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth. Kailangan ding sumailalim sa first patient encounter para sa medical history taking at health screening, pumirma ng kasunduan sa napiling facility, at regular na magpakonsulta para sa reseta at follow-up care.

“Kahit na healthy tayo o may nararamdaman, magsadya na sa ating mga YAKAP clinics… i-avail po ang benepisyong ito para malayo sa anumang sakit,” pagtatapos ni Dr. Manuel.