Dagupan City – Libo-libong oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho sa lokal at maging sa ibang bansa ang inihatid ng Job Fair 2026 na isinagawa sa bayan ng Calasiao.

Pinangunahan ang nasabing aktibidad ni Mayor Patrick Agustin Caramat, katuwang ang PESO Manager na si Rogelio P. Montoya II.

Layunin ng programa na ilapit ang mga bakanteng trabaho sa mga mamamayan ng bayan at karatig-lugar.

--Ads--

Umabot sa halos apat na libong trabaho ang inialok sa job fair, kabilang ang mahigit tatlong libong posisyon mula sa 19 na lokal na kumpanya at higit isang libong oportunidad mula sa tatlong overseas employers.

Dahil dito, nabigyan ng mas malawak na pagpipilian ang mga aplikante mula sa mga naghahanap ng lokal na hanapbuhay hanggang sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa.

Malaki rin ang naitulong ng programa sa mga working student na naghahanap ng trabahong akma sa kanilang iskedyul, gayundin sa mga bagong nagtapos na nais agad makapasok sa trabaho.

Ilan sa kanila ay agad na natanggap sa pamamagitan ng hired-on-the-spot na proseso, na nagpapakita ng agarang benepisyong dulot ng nasabing job fair.