Nagtapos na ang kampanya ni Pinay tennis star Alexandra Eala sa Stuttgart Open matapos siyang talunin ni Leylah Fernandez sa straight sets, 1-6, 4-6, sa Round of 32 na ginanap nitong Martes sa Germany.

Mabilis na nakapagtatag si Fernandez ng dominasyon sa unang set matapos umabante ng 5-0. Naka-puntos lamang si Eala sa sumunod na laro, ngunit agad ding tinapos ni Fernandez ang set sa sumunod na game.

Sa ikalawang set, maganda ang naging panimula ni Eala matapos niyang makuha ang unang game. Gayunman, agad na nakabawi si Fernandez at nakapagtatag ng 3-1 na kalamangan.

--Ads--

Naka-dikit pa si Eala matapos manalo sa isa pang game, ngunit nanatiling kalmado si Fernandez at nagpatuloy sa pagkuha ng mahahalagang puntos upang makuha ang abante.

Sa kabila ng pagtatangkang makabalik ni Eala sa laban sa pamamagitan ng dalawang magkasunod na panalo sa games, tuluyang tinapos ni Fernandez ang laban at sinelyuhan ang panalo.

Susunod na sasabak si Eala sa Madrid Open sa Spain, isang WTA 1000 tournament, kung saan inaasahang masusubok muli ang kanyang kakayahan sa mas mataas na antas ng kompetisyon.