Dagupan City – Nakatanggap ang Lokal na pamahalaan ng Manaoag ng kauna-unahang Balangay Seal of Excellence Award sa buong Pangasinan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na personal na ibinigay ang parangal sa bayan ni PDEA Regional Director Julius M. Paderes bilang pagkilala sa pagsisikap ng lokal na pamahalaan, mga Barangay Drug Abuse Council, at Municipal Drug Abuse Council sa paglaban at pagpapanatili bilang “drug-free municipality” sa Pangasinan.
Aniya na ang parangal ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng lahat lalo na ang mga barangay kapitan mula sa 26 na barangay na nagbigay ng suporta para makamit ang tagumpay na ito.
Ayon sa kanya, ang PDEA ang nagtatala ng mga taong sumuko sa droga na kailangang dumaan sa proseso ng muling pagbabago sa pamamagitan ng Balay Silangan Reformation Center para tuluyang alisin ang kanilang pangalan sa listahan.
Idinagdag pa niya na ang programa nila na muling pagbabago ay kinikilala at inirerekomenda ng PDEA bilang modelo para sa ibang lokal na pamahalaan sa lalawigan.
Bukod pa rito, binanggit din ng alkalde na may mga kasunduan ang Manaoag sa ibang LGU sa Pangasinan para gamitin ang mga pasilidad at tiyakin ang seguridad ng mga sumasailalim sa programa.
Samantala, hindi aniya nangangahulugang tapos na ang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng parangal na ito bagkus ay dapat parin pagtulungan ng bawat sektor upang tuloy-tuloy ang pagbaba ng kaso ng nalulong sa droga sa bansa.










