Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Laoac dito sa lalawigan ng Pangasinan ang paglilinis at desiltation ng mga creek, kanal, at ilog sa iba’t ibang barangay bilang paghahanda sa patuloy na pag-ulan at upang mabawasan ang panganib ng pagbaha sa bayan.

Ayon kay Laoac Mayor Ricardo Balderas, nakatuon sa kasalukuyan ang mga operasyon sa mga lugar na madalas bahain, partikular sa Barangay Nanbagatan, na catch basin ng tubig baha, kung saan isinasagawa ang pagsasaayos at iba pang istrukturang nakaaapekto sa maayos na pagdaloy ng tubig.

Sinabi ng alkalde na prayoridad ng LGU ang pagdraga at paglilinis ng mga daluyan ng tubig upang mabawasan ang pagbaha at mga kalapit na lugar sa panahon ng malalakas na pag-ulan.

--Ads--

Kasabay nito, isinasaayos na rin ang tulay sa Barangay Balligi, partikular sa bahagi ng creek kung saan naganap ang malagim na insidente na ikinasawi ng dalawang bata.

Layunin ng proyekto na matiyak ang kaligtasan ng mga residente, lalo na ng mga mag-aaral at batang tumatawid sa naturang lugar araw-araw.

Sa Barangay Casanestebanan, kasalukuyang kinukumpuni ang nasirang tulay matapos masira ang slab at flooring nito.

Patuloy rin ang desiltation at paglilinis ng mga daluyan ng tubig sa limang barangay ng bayan.

Ayon pa kay Mayor Balderas, nagmumula ang pondo para sa mga proyekto sa naipong savings ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa calamity fund ng bayan.

Binigyang-diin ng alkalde na bahagi ang mga hakbang na ito ng pangmatagalang programa ng lokal na pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng pagbaha at maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga residente ng Laoac, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.