Dagupan City – Patuloy na binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin sa merkado kahit pa nagkaroon na ng ceasefire ang nangyayaring giyera sa gitnang silangan.

Ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, nagtatag sila ng Price Monitoring Council kasama ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at iba pang ahensya para subaybayan ang presyo ng mga produkto at tiyakin na hindi labis ang pagtaas ng mga halaga sa merkado.

Aniya na nagkaroon na din ito ng pagpupulong kamakailan kung saan pinatawag ang mga negosyante ng produktong petrolyo para ipaalam na ang anumang pagtaas ng presyo ay dapat na batay sa mga alituntunin ng gobyerno.

--Ads--

Kamakailan lang din ay umikot ito sa ilang pamilihan ng lungsod para malaman ang mga presyo ng gulay, karne, isda, bigas at iba pang produkto kung saan nakita niya na lahat ay sumusunod sa mga alituntunin para sa makatwirang pagtatakda ng presyo.

Hindi pinapayagan ang labis na pagtaas ng presyo nang walang wastong dahilan, at binabalaan ang mga negosyante na susundin ang mga patakaran.

Binigyang-diin na ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay may direktang epekto sa mga gastusin ng mga pamilya, kaya naman patuloy na binibigyan ng suporta ng lokal na pamahalaan ang mga sektor tulad ng mga tricycle driver na apektado nito.

Dahil dito, hinihikayat din ang mga mamamayan na maging mapanuri sa mga presyo ng mga produkto at makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan kung may napapansin silang labis na pagtaas ng halaga.

Patuloy na binibigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang kanilang layunin ay tiyakin na makakabili ang mga mamamayan ng kanilang mga pangangailangan sa abot-kayang halaga.