Mga kabombo! Hindi ba’t sabi nga nila bawal ang alak sa oras ng trabaho dahil tiyak ay makakaapekto ito sa performance mo.

Malaki rin umano ang tiyansa na kapag nakita o nahuli kang ganito ay mawawalan ka ng trabaho.

Pero paano na lamang kung hindi maging ganito ang kapalaran mo at pumanig pa sayo ang batas?

--Ads--

Ito kasi ang nangyari umano sa Murcia, Spain kung saan ay pinaboran ang isang manggagawa na sinibak dahil sa pag-inom ng aabot sa tatlong litro ng beer.

Inatasan kasi ng High Court of Justice ng Murcia ang electrical installation company na bayaran ang lalaki ng kompensasyon na nagkakahalaga ng katumbas ng P3.1 milyon dahil sa unfair dismissal, o kaya naman ay ibalik ang empleyado sa kanyang dating posisyon.

Ayon sa mga dokumento ng korte, nagsimulang maghinala ang superiors ng kumpanya sa kakaibang ikinikilos ng empleyado kaya lihim silang kumuha ng isang private detective upang tiktikan ito.

Sa isinumiteng ulat ng imbestigador makalipas ang ilang araw, nahuli ang lalaki na umiinom ng beer sa mga bar at parking lots habang naka-lunch break.

Dahil ang trabaho ng lalaki ay kinabibilangan ng pagmamaneho ng sasakyan ng kompanya, itinuring ng management na isang seryosong banta sa kaligtasan ang kanyang gina­gawa kaya siya ay agad na tinanggal.

Dahil sa pangyayari, hindi natanggap ng manggagawa ang pagkakasibak sa kanya at kinasuhan ang kanyang employer.

Sa huling desisyon ng mga mahistrado, idineklara nilang labis at hindi makatarungan ang parusang ipinataw.

Sa katunayan, binigyang-diin pa ng korte na ang lunch break ay hindi pormal na itinuturing na working hours, kaya hindi ito maituturing na work-related misconduct.

Bukod pa rito, nabigo ang kompanya na magbigay ng ebidensiya na naapektuhan ng pag-inom ang kalidad ng trabaho ng lalaki o nalagay sa panganib ang buhay ng ibang tao nang magmaneho ito.