Dagupan City – Nakakaranas ngayon ng oversupply ng itlog sa ilang pamilihan sa lalawigan ng Pangasinan na nagdudulot ng pagbaba ng presyo ng produkto.
Ayon sa mga tindero sa palengke, mas marami ang dating ng supply ng itlog kumpara sa normal na demand ng mga mamimili.
Dahil dito, napipilitan ang ilang negosyante na ibaba ang presyo upang maibenta agad ang kanilang paninda.
Batay sa ulat, ang presyo ng itlog ay bumaba sa humigit-kumulang ₱5.50 hanggang ₱8 bawat piraso, depende sa laki at kalidad nito.
Mas mababa ito kumpara sa dating presyo na naitala sa mga nakaraang buwan.
Ayon sa sektor ng agrikultura, isa sa mga dahilan ng oversupply ay ang sabay-sabay na produksyon ng mga poultry farm at ang pagdami ng mga inaalagaang egg-laying chickens sa bansa.
Paliwanag ng grupo, kapag sabay-sabay ang mataas na produksyon at hindi tumataas ang demand, nagreresulta ito sa labis na suplay sa merkado.
Posible umanong magpatuloy ang ganitong sitwasyon sa mga susunod na linggo kung hindi bababa ang produksyon o kung hindi tataas ang konsumo, dahilan upang manatiling mababa ang presyo ng itlog.
Sa ngayon, patuloy na minomonitor ng mga kinauukulan ang sitwasyon sa merkado upang matiyak ang balanse ng supply at presyo ng pangunahing bilihin.










