Nailipat na mula Tel Aviv, patungong Rishon LeZion ang labi ni Mary Ann De Vera ang nasawing pinay caregiver sa Israel.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mhel Grace Esico, matalik na kaibigan ni Mary Ann o mas kilala bilang “Michelle” halos tatlong taon na silang magkaibigan at magkalapit lamang ang kanilang tirahan.

Inilarawan niya si Mary Ann bilang masayahin, palangiti, at mapagmahal na kaibigan na may pangarap magkaroon ng sariling anak kaya’t hindi niya lubos maisip ang nangyari sa kaniyang kaibigan.

--Ads--

Bagama’t may protocol na “save yourself first” para sa mga caregiver, likas sa mga Pilipino ang hindi pagtalikod sa responsibilidad.

Kaya’t marami umanong Israeli ang nagpahayag ng paghanga sa dedikasyon ng mga Filipino caregiver.

May ilan pang nagsabing nais nilang mas marami pang Pilipino ang magtrabaho sa kanilang bansa dahil sa ipinakitang malasakit at katapatan ni Mary Ann.

Sa usapin naman ng tulong, kinumpirma ni Ambassador Kursh na maglalaan ng lifetime support ang Israeli government para sa pamilya ng nasawi.

May mga indibidwal at grupo rin sa Israel ang nag-aalok ng tulong at nagsusulong ng fundraising initiatives para sa naiwang pamilya.

Sa kasalukuyan, hindi pa tiyak ang petsa ng pag-uwi ng labi sa Pilipinas dahil sa limitadong operasyon ng paliparan.

Samantala, nilinaw rin ni Mhel Grace ang ilang kumakalat na impormasyon na hindi buntis si Mary Ann at wala itong naiwang anak.

At isa sa pinakamalaking pangarap nito ang magkaroon ng sariling pamilya.