Dagupan City – Patuloy ang konstruksyon ng temporary bridge sa Wawa Bridge sa Bayambang ayon sa opisyal na pahayag ng LGU kahit na naantala ang rehabilitasyon ng pangunahing tulay dahil sa pagbabago sa disenyo at masamang panahon.
Ayon kay Municipal Engineer Bernadette Mangande, ang revised design plan para sa Carlos P. Romulo Bridge ay kasalukuyang nasa Department of Public Works and Highways at wala pang opisyal na apruba.
Idinagdag niya na ang mga pagbabagong ito ay para lamang sa main bridge at hindi nakakaapekto sa konstruksyon ng temporary bridge.
Nilinaw din ng contractor, MG Lualhati Construction Corp., na tuluy-tuloy ang paggawa ng temporary bridge at may mga overtime works upang mapabilis ang proyekto nang hindi isinasakripisyo ang kalidad at tibay ng istruktura.
May target completion date ang temporary bridge sa Mayo 2026, lalo’t inaasahan ang paparating na tag-ulan.
Patuloy ang koordinasyon ng LGU Bayambang sa DPWH upang masubaybayan ang progreso at matugunan agad ang mga isyu.










