Dagupan City – Nahihirapan ngayon ang mga cottage owner sa Lingayen Baywalk dahil sa pagbaba ng kita at pabago-bagong dami ng mga bumibisita, ayon kay Gemma Gonzalo, isang cottage owner sa lugar.
Aniya, malaki ang ipinagbago ng sitwasyon kumpara sa mga nakaraang taon kung kailan mas mataas ang singil sa mga cottage at mas tuloy-tuloy ang dating ng mga turista.
Sa kasalukuyan, bumaba na ang presyo ng pagrenta ng cottage sa halagang nasa ₱200 hanggang ₱300 dahil sa dami ng kompetisyon at pagdami ng mga bagong itinayong cottage sa lugar.
Ibinahagi rin niya na kadalasang nagkakaroon lamang ng kita tuwing Sabado at Linggo, habang matumal naman ang mga araw mula Lunes hanggang Biyernes.
Dagdag pa rito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang bilihin na lalong nagpapabigat sa gastusin ng mga negosyante.
Sa kabila nito, patuloy ang pagdami ng mga cottage sa baywalk, kung saan tinatayang umabot na sa humigit-kumulang 150 ang naitayo sa loob lamang ng maikling panahon.
Bunga nito, lalong nahahati ang kita sa mas maraming nagtitinda at nagpapaupa.
Dagdag niya, mahalaga ang tiyaga sa ganitong uri ng kabuhayan dahil kung walang kikilos at magtitiis, walang papasok na kita.
Umaasa rin siya na mas mapalawak pa ang tulong sa mga maliliit na negosyante upang masuportahan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa kabila ng mga hamon, nananatiling bukas ang mga cottage owner sa posibilidad ng pagdami muli ng turista, lalo na kung magkakaroon ng mas maraming aktibidad at pasilidad na makakaakit sa mga bisita sa Lingayen Baywalk.










