Habang ipinagdiriwang ni Vice President Sara Duterte ang kanyang kaarawan nitong Linggo, sinabi ng House prosecution spokesperson na si Kabataan Party-list Rep. Renee Co na ang pinakamahalagang “regalo” sa Bise Presidente ay ang pagkakataong masagot ang mga paratang laban sa kanya sa pamamagitan ng due process.
Sa isang panayam, binigyang-diin ni Co na ang “birthday gift” ng House prosecution panel ay ang constitutional guarantee na mabibigyan si Duterte ng sapat na pagkakataon upang ilahad ang kanyang panig sa harap ng Senate impeachment court.
“Despite everything that’s happening, ang gift natin kay VP Sara ay ‘yung due process, ‘yung pag-iisa-isa ng mga hakbang sa proseso para kung anumang alegasyon laban sa kanya ay masagot po niya nang maayos,” pahayag ni Co.
Hinimok din ng mambabatas si VP Sara na gamitin ang impeachment trial upang direktang sagutin ang mga akusasyong nakapaloob sa articles of impeachment, at iginiit na matagal nang hinihintay ng publiko ang kanyang paliwanag sa mga isyung ibinabato laban sa kanya.
Ayon kay Co, sinabi na rin umano ng legal team ni Duterte na sasagutin ng Ikalawang Pangulo ang mga paratang sa pagdinig.
Dagdag pa niya, inaasahan ng House prosecution panel ang isang masusing depensa na hindi lamang nakatuon sa mga usaping procedural.
Inaasahang magsusumite si Duterte ng kanyang sagot sa Senate impeachment court sa Hunyo 1, na itinakdang deadline sa ilalim ng rules ng Senado.
Kabilang sa mga alegasyon sa impeachment complaint ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, bribery, at grave threats laban sa ilang opisyal ng pamahalaan.










