Dagupan City – Nakatakdang lumahok ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa paggunita ng EDSA People Power Revolution sa 2026, kung saan muling igigiit ng grupo ang panawagan na wakasan na ang korapsyon sa bansa.
Ayon kay Jerome Adonis, chairperson ng KMU, patuloy ang kanilang pakikiisa sa mga kilos-protesta at aktibidad kaugnay ng anibersaryo ng People Power upang ipanawagan ang pananagutan at reporma sa pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Adonis na kaya umanong patalsikin ang mga anomalya at katiwalian sa bansa, subalit nahihirapan ang taumbayan dahil sa patuloy na pag-iral ng mga dinastiyang pulitikal at pagpili ng mga lider na aniya’y hindi nagsusulong ng tunay na pagbabago.
Binigyang-diin din nito na may mga senyales na umano ng pagbabago sa pamahalaan, ngunit kinakailangan pa rin ang patuloy na pagbabantay ng publiko at aktibong pakikilahok ng mamamayan upang matiyak na matutuldukan ang korapsyon.
Iginiit ng Kilusang Mayo Uno na mahalaga ang sama-samang pagkilos at pagbibigay-boses ng mamamayan upang mapanatili ang diwa ng People Power at maisulong ang tunay na reporma sa bansa.










