Nanawagan si Chinese foreign minister Wang Yi, na muling buksan “sa lalong madaling panahon” ang Strait of Hormuz sa kanyang pakikipagpulong kay Iranian foreign minister Abbas Araqchi.

Nagkita ang dalawang opisyal sa Beijing nitong Miyerkules, sa kauna-unahang pagbisita ni Araqchi sa China mula nang sumiklab ang digmaan sa Iran.

Sa pulong, iginiit ni Wang na ang pagkakaroon ng pangmatagalang tigil-putukan ay isang “agarang prayoridad.”

--Ads--

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng negosasyon upang maiwasan ang lalo pang paglala ng tensyon.

Ayon pa sa kanya, handa ang Beijing na tumulong sa pagpapahupa ng sigalot.

Naganap ang pagpupulong isang linggo bago ang nakatakdang summit sa pagitan ni US President Donald Trump at ng lider ng Tsina na si Xi Jinping.

Inaasahang tatalakayin ng dalawang pinuno ang digmaan sa Iran at ang muling pagbubukas ng nasabing rutang pandagat.

Ayon kay Wang, naniniwala ang Tsina na mahalagang makamit ang komprehensibong tigil-putukan, at hindi kanais-nais ang muling pagsiklab ng labanan.

Idinagdag niya na ang pandaigdigang komunidad ay may iisang layunin, ang maibalik ang normal at ligtas na paglalayag sa Strait of Hormuz.