Isinasagawa sa bayan ng Binalonan ang ikatlong yugto ng programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 1 sa kanilang “DENR Express Permitting on Wheels”.

Ayon kay OIC-Regional Executive Director Atty. Ronnel C. Sopsop ang programa ay alinsunod sa direktiba ng bagong DENR Secretary Juan Miguel T. Cuna at sa utos ng Pangulo na ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa publiko.

Kasama nila sa aktibidad ang Mines and Geosciences Bureau, Environmental Management Bureau, at ang DENR mismo para mag-alok ng iba’t ibang serbisyo.

--Ads--

Kabilang sa mga serbisyong inaalok ang pre-patent application, transport permit, ECC certification, pati na rin ang mga serbisyo mula sa iba’t ibang bahagi ng DENR.

Saad niya na pinili ang Binalonan dahil sa maraming pangangailangan ng mga mamamayan sa lugar, tulad ng mga poultry farm at mga alalahanin tungkol sa lupa.

Lubos na nagpapasalamat ang DENR sa lokal na pamahalaan ng Binalonan sa pangunguna ni Mayor Guico na nagbigay ng venue para sa programa.

Pagbabahagi nito na naunang isinagawa ang programa sa Alaminos City at San Fernando City, La Union, at ang susunod naman ay sa Ilocos Sur.

Bumalik ang DENR sa Pangasinan dahil medyo malaki ang lalawigan at maraming pangangailangan dito.

Samantala, karamihan umano sa mga naseserbisyuhan nila sa ganitong mga programa ay mga kumukuha ng Environmental Compliance Certificate, Geohazard mula sa MGB at pagpaparehistro ng chainsaw, transport documents para sa kahoy, at free patent application para sa mga lupang hindi pa patitulado.

Binigyang-pugay ng DENR ang suporta ng mga mamamayan at ng lokal na pamahalaan sa programa.

Hinihikayat ang mga kababayan na tangkilikin ang ganitong mga aktibidad dahil inilalapit na ng DENR ang mga serbisyo para hindi na mahihirapan ang mga mamamayan na pumunta pa sa kanilang opisina.

Patuloy na plano ng DENR Region 1 na ilunsad pa ang mga susunod na yugto ng “Express Permitting on Wheels” sa iba pang bayan at lungsod sa Rehiyon para mas maraming mamamayan ang makinabang sa mga serbisyo ng ahensya.

Lubos naman na ikinagalak ni Binalonan Mayor Ramon Ronald “RG” Guico IV ang pagdaraos ng DENR Express Permitting on Wheels sa kanilang bayan, na inilalarawan niyang isang “one-stop shop” para sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa mga permit at iba pang requirements kaugnay sa kapaligiran.

Ayon kay Mayor Guico, ang programa ay maganda ang layunin dahil lahat ng kailangan ng mga mamamayan ay mabibigyan na ng pansin sa isang lugar lamang, na nagpapadali at nagpapagaan sa proseso para sa kanilang mga nasasakupan.

Binigyang-diin din niya na ang mga isyu tulad ng waste management ay isa sa mga priyoridad ng lokal na pamahalaan.

Bukod sa waste management, binibigyang-prioridad din ng bayan ang pagprotekta sa mga puno.

Ayon pa dito na ang pagpapatupad ng tamang permitting para sa pagpuputol ng kahoy ay mahalaga para masubaybayan ang dami ng mga puno sa lugar.

Binanggit niya na ang bayan ay may maraming akasya na nagdudulot ng malamig na kapaligiran at magandang pasyalan.

Hinihikayat din nito ang mga mamamayan mula sa ibang bayan sa buong Pangasinan na suportahan at samantalahin ang ganitong programa ng DENR.