DAGUPAN CITY- ‘Away palengke’ na lamang ang pagsasagutan ng mga mambabatas ng kamara at senado at hindi galit para matulungan ang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, matagal nang hindi natutugunan ng mga mambabatas ang kanilang gampaning gumawa ng batas na reresolba sa mga problema ng bansa.
Gayunpaman, ang galit na kanilang ipinapakita sa publiko ay dahil lamang sa kanilang pansariling interes.
Ang pahayag ni Yusingco ay tumumtukoy sa naging bangayan nina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at Batangas 6th District Rep. Ryan Recto matapos magbato ng alegasyon si Leviste hinggil sa di umano’y ugnayan nina Exec. Sec. Ralph Recto at Cong. Edwin.
Gayundin sa bangayan nina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Ping Lacson sa senado hinggil naman sa usapin ng flood control projects.
Aniya, ang kanilang bangayan ay wala nang kinalaman sa kanilang tungkulin at personal na lamang ito.
Giit ng political analyst, may kaniya-kaniya man kulay ng politiko ang mga mambabatas subalit, hindi dapat nito mabahiran at makaapekto sa kanilang paggawa ng mga polisiya.
At kung magkakaroon man ng pagbubunyag, mahalagang mayroon itong matibay na batayan at pruweba.










