Magkakaroon ng limitadong serbisyo ng patubig sa mga sakahan sa Pangasinan ang NIA- Pangasinan Irrigation Management Office dahil sa pagbaba ng antas ng tubig sa San Roque Dam dulot ng nararanasang mainit na panahon.

Ayon kay Division Manager Engr. John Molano na batay sa kanilang pagtatanong sa San Roque Power Corporation na sa kasalukuyan ay nasa 230.98 metro na lamang.Bumaba aniya ito ng halos 50 meters kumpara sa dating lebel nito, at mas mababa pa ito ng 30 metro sa 243.76 kumpara noong parehong araw noong nakaraang taon.

Aniya na sa unang bahagi ng cropping season, nahigitan nila ang target sa pagpapapatubig na 50,950.74 ektarya kung saan ang napatubigan nila ay umabot sa 53,164 ektarya. Pero nakikita nila na sa ikalawang bahagi ng cropping season, ang target na 11,410 ektarya ay hindi na makakamit dahil sa limitadong patubig.

--Ads--

Dagdag niya na kalahati pa lamang sa target ngayong 2nd dry ang mga napapatubigan na nakapagtanim na ng palay na umaabot sa mahigit 4 libong ektarya kung saan mayroon pang mahigit 5 libo ektarya ang hindi napapatubigan.

Dahil sa ganitong sitwasyon, nagsasagawa na ng mga hakbang ang opisina gaya ng information dissemination sa mga Irrigators’ Farmers’ Associations (IFAs), mga alkalde, at barangay officials para ipaalam ang sitwasyon ng tubig para makapag-adjust sila sa pagtatanim.

Bukod dito, pinapaigting din nila ang programa ng Solar Power irrigation system para kahit papano ay makatulong sa mga lugar na hindi mapapatubigan ng opisina.

Samantala, ayon naman kay Engr Harry Villanueva na inirerekomenda nila ang pagtatanim ng mga high value crops sa mga lugar na hindi gaanong maaabot ng patubig.

Kabilang sa mga ito ay mga panananim na hindi gaano nangangailangan ng maraming tubig tulad ng pakwan, munggo, mais, at mani lalo na sa mga nasa tail end portion o hindi gaanong naabot ng patubig.

Binigyang-diin din niya na na lubos na umaasa ang 5th at 6th district sa tubig mula sa dam dahil sila ay mas malapit dito at mas maraming nagtatanim ng palay sa lugar.

Patuloy naman na sinusubaybayan ng NIA-Pangasinan ang antas ng tubig sa San Roque Dam at patuloy ang koordinasyon sa pamamahala ng dam para matiyak na maibigay ang sapat na tubig sa mga pangunahing lugar na nangangailangan.