Arestado ang isang itinuturing na high-value individual sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine National Police Drug Enforcement Group sa Laoac, Pangasinan, madaling araw ng Mayo 5, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Dweg,” 58 taong gulang, tricycle driver at residente ng Urdaneta City. Siya ay kabilang sa mga target sa ilalim ng operasyon laban sa ilegal na droga sa lalawigan.
Isinagawa ang operasyon bandang 12:48 ng madaling araw sa Purok 7, Barangay Turko, kung saan matagumpay na nakumpiska ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 50 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng 340,000 piso.
Kabilang sa mga nasamsam ang isang sachet na ginamit bilang buy-bust item at apat pang sachet na pinaniniwalaang naglalaman ng ilegal na droga. Narekober din ang buy-bust money, isang sling bag na pinaglagyan ng droga, ilang perang papel, lisensya sa pagmamaneho, isang cellphone, at isang motorsiklo na may sidecar.
Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng suspek at mga saksi mula sa barangay at media.
Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya sa Lingayen para sa pansamantalang kustodiya, habang isasailalim naman sa pagsusuri ang mga nakumpiskang droga upang matukoy ang eksaktong komposisyon nito.
Patuloy ang imbestigasyon kaugnay ng insidente, at inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.










