Inihayag ni Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino na may kabuuang P80 milyon ang inilaan ng Pamahalaang Panlalawigan para sa Pangasinan Polytechnic College (PPC) kasunod ng pagkakaloob dito ng Institutional Recognition ng Commission on Higher Education (CHED).
Ayon kay Lambino, P30 milyon dito ay naka-program sa Provincial Scholarship Fund para sa mga iskolar ng probinsya kabilang ang mga PPC students, habang P50 milyon naman ang subsidy para sa PPC na gagamitin sa capital outlays, pagtatayo ng mga bagong pasilidad, classrooms at patuloy na expansion ng kolehiyo.
Nilinaw din niya na sa pamamagitan ng Institutional Recognition ay magkakaroon na ng access ang PPC sa CHED UniFAST funding na sasagot sa academic expenses ng mga estudyante, ngunit inaasahang magsisimula pa ito sa unang semestre ng Academic Year 2027-2028 dahil ongoing na ang kasalukuyang academic year nang maaprubahan ang IR.
Aniya, sakaling payagan ang retroactive na pagbabayad para sa 2026 ay magiging karagdagang pondo ito para sa PPC, at kasabay nito ay hinihintay na rin ang pag-apruba sa Nursing program na inaasahang magbubukas ng hindi bababa sa dalawang seksyon o humigit-kumulang 80 estudyante.










