Natagpuan na wala nang buhay ang katawan ng isang 7 taong gulang na batang babae sa Tondaligan Beach, Brgy. Bonuan Gueset, Dagupan City kaninang umaga.
Sa isinagawang inisyal na pagsusuri ng pulisya, napag-alamang may tatlong hiwa sa leeg ang biktima, indikasyong ginilitan ito at wala rin itong saplot nang matagpuan.
Kinumpirma ni PLT. COL. Lawrence Keith Calub, COP ng Dagupan City PNP na ang bangkay ay tumutugma sa ulat ng nawawalang bata mula sa Asingan.
Ayon sa PNP Asingan, may isang sasakyan na huminto sa bahay ng biktima bandang alas-6 ng gabi kung saan nakita itong sumama sa isang taong kilala niya at hindi umano ito sapilitang isinama.
Samatanla, dakong alas-7:40 ng gabi, nakakita ng kahina-hinalang sasakyan na walang plaka ang mga CVO sa lugar ng insidente, at pinaniniwalaang ito rin ang ginamit sa pagtapon sa katawan ng bata.
Ayon kay Calub, itinuturing ngayong person of interest ang ama ng bata, matapos matukoy na siya ang nagrenta ng naturang sasakyan at kasama raw nito ang isa pang babae.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagkaroon ng alitan sa pagitan ng ama at ina ng biktima.
Matapos umanong tumigil ng pagbibigay ng sustento ng ama, nagsampa ng kaso ang ina dahil dito.
Napag-alaman din na sa isinagawang DNA test, nadiskubreng hindi tunay na anak ng ama ang biktima, na posibleng nagtulak sa pagpatay dito.
Dagdag pa rito, kasong murder ang isasampang reklamo laban sa mga sangkot habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Dahil wala ring saplot ang bata, hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya upang matukoy kung posibleng ginahasa rin ito.
Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Hinihikayat ang sinumang may impormasyon ukol sa insidente o sa mga sangkot na agad makipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya.
Muling paalala ng PNP na huwag hayaang maging biktima ang mga bata, gawing ligtas ang komunidad sa pamamagitan ng pagbabantay at maagap na pag-uulat ng kahina-hinalang kilos sa paligid.