DAGUPAN CITY- Kinokondena ng Bantay Bigas ang pagkakaroon ng Artificial Shortage dahilan sa pagtaas pa ng presyo ng bigas sa pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas, giit niya, isang kasinungalingan ang sinasabi ng Department of Agriculture (DA) na umaabot lamang sa P43-45/kilo ang presyo ng regular milled rice kung ang kanilang nakikitang pinakamababang presyo ay pumapalo sa P50.

Aniya, isa pang nakakapagtakang bagay ay ang pagtaas din sa presyo ng mga imported na bigas kung mababa lamang ito sa world market.

--Ads--

Sa kanilang pakikipag-usap sa mga retailers, napag-alaman na ang dahilan umano nito ay ang wala pang maigiling na palay at ang pansamantalang paghinto sa pag-import ng bigas noong nakaraang ber months ng 2025.

Gayunpaman, wala amunong sapat na dahilan na itaas ang presyo ng bigas kung umaabot lamang sa P8-P14 ang ibinentang lokal na palay sa gobyerno kamakailan lamang.

Mungkahi niya na dapat itong imbestigahan ng pamahalaan dahil malabo rin na nagkakaubusan ng stocks sa bodega kung mayroon naman ani ang local producers at maraming import bago ito pansamantalang ipatigil.

Bukod pa riyan, patuloy ang kanilang panawagan sa pagbasura ng Republic Act 11203 o ang Rice Tarrification Law dahil patuloy itong nagpapahirap sa mga magsasaka.

Giit ni Estavillo na dapat mas pagtuonan ng gobyerno ang pagpapalakas sa lokal na produksyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat suporta at tamang interbensyon sa mga kinakaharap na problema sa agrikultura.