Dagupan City – Inamin ng Pangasinan State University (PSU), na may nakikita silang pangunahing hamon sa pagpapanatili ng maayos na operasyon ng bagong bukas na ASIN Center sa Pangasinan.

Ayon kay University President Dr. Elbert Galas, nakikitang problema na kanilang kakaharapin ay ang pangangailangan para sa permanenteng staff na mangangasiwa sa loob ng pasilidad.

Bagama’t mayroon silang mga eksperto at researcher mula sa PSU, karamihan sa mga research assistants ay nasa ilalim ng contract of service na pinopondohan ng DOST.

--Ads--

Kapag naubos umano ang pondong ito, kakailanganin na nilang magkaroon ng permanenteng empleyado para dito.

Saad niya na upang matugunan ang problemang ito, nag-a-apply na sila para sa plantilla items sa pamamagitan ng paghingi ng suporta at pagkilala mula sa mga lokal na pamahalaan at Department of Budget and Management.

Layunin nilang makakuha ng plantilla positions para sa mga researchers, senior researchers, at scientists upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon ng ASIN Center na siyang mapapakinabangan ng buong bansa upang maging Self Sufficient ang Pilipinas pagdating sa Asin.