DAGUPAN CITY—Sa gitna ng umiinit na tensyon sa loob ng Senado, malinaw umanong nakapuwesto ang mayorya upang pigilan ang anumang galaw ng minorya—pulitikal man o personal—kaugnay sa usapin ng posibleng pagpapalit ng liderato sa pagka-Presidente ng Senado.

Ito ang pahayag ni Atty. Francis Abril, Legal Consultant, sa kanyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, kung saan binigyang-diin niya na mahigpit na binabantayan ng mayorya ang bawat hakbang na maaaring magbunsod ng pagbabago sa liderato ng mataas na kapulungan.

Sa patuloy na paglakas ng kampo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa hanay ng lehislatura, inaasahan umanong mas magiging maka-Pangulo ang mga kilos at desisyon ng mayorya sa Senado. Katulad din umano ang sitwasyon sa House of Representatives, kung saan malinaw ang impluwensiya ng administrasyon.

--Ads--

Samantala, ang patuloy na pagtulak ng minority bloc sa isyu ng pagbabago ng liderato ay maaaring bahagi umano ng isang mas malawak na agenda; isang hakbang na posibleng may kaugnayan sa paghahanda para sa halalan sa 2028, gayundin sa planong paglalathala ng draft ng Senate Blue Ribbon na naglalaman ng mga pangalan ng kasalukuyang senador na inirerekomendang kasuhan ng plunder.

Sa kabilang banda, tinawag na “kahanga-hanga” ni Atty. Abril ang naging kapalaran ng impeachment case laban kay Pangulong Marcos, lalo’t maging si Congresswoman Leila De Lima—na kilalang hindi kaalyado ng administrasyon—ay hayagang sumuporta sa pagbasura ng mga reklamong impeachment laban sa Pangulo.

Ayon sa proseso ng due process, dahil sa kakulangan ng sapat na batayan ng reklamo, ito ay iaakyat sa plenaryo kung saan inaasahang maaaprubahan ang pagbasura. Kapag naganap ito, magsisimula na ang pagtakbo ng one-year bar rule.

Pagdating naman sa usaping kriminal na maaaring kaugnay ng mga batayan ng impeachment, nilinaw na maaari lamang itong muling buksan kapag natapos na ang termino ng Pangulo, kung kailan wala na siyang pribilehiyong gumamit ng presidential immunity.

Gayunman, mahalagang tanong umano kung sino ang mamumuno sa pamahalaan matapos ang kanyang termino, dahil maaari itong magbago nang malaki sa pulitikal na klima at sa magiging direksiyon ng mga susunod na proseso.