Dagupan City – Mariing kinondena ng IBON Foundation ang naudlot na pulong ng Senate Committee on Agriculture kasama ang mga magsasaka sa gitna ng umano’y leadership shake-up sa Senado.

Ayon kay Sonny Africa, hindi magandang senyales ng pamumuno ang pagkakadiskaril ng naturang pagpupulong, lalo na’t inaasahan pa umano ang pagpapalit ng mamumuno sa komite na humahawak sa mga usapin ng agrikultura at kapakanan ng mga magsasaka.

Sinabi ni Africa na maraming posibilidad kung bakit naudlot ang meeting, ngunit bilang Senate President ay may direktang kakayahan at mandato umano ang liderato ng Senado upang tiyaking maayos na naisasagawa ang mga pagdinig at dayalogo para sa sektor ng agrikultura.

--Ads--

Dagdag pa niya, kung mapatutunayang may kinalaman ang ilang opisyal sa pagkakadiskaril ng pulong, mistulang “binaboy” umano ang institusyon ng Senado dahil hindi nabibigyang prayoridad ang mahahalagang usapin na kinahaharap ng bansa, partikular ang suliranin ng mga magsasaka at krisis sa ekonomiya.

Ayon kay Africa nakakahiya ang nangyayari dahil imbes na tutukan ang tunay na problema ng mamamayan, nalilihis ang atensyon sa pulitika at “pansariling interes”.

Pinuna rin niya ang umano’y labis na pagtutok ng pamahalaan sa foreign investors.

Aniya, hindi naman umano pangunahing konsiderasyon ng mga dayuhang mamumuhunan ang kaguluhang pampulitika sa isang bansa kundi ang kakayahang kumita at makapagbenta.

Binigyang-diin din niya ang karanasan noong dekada 1980 kung saan, sa kabila ng political instability, ay patuloy pa ring umusad ang ekonomiya at negosyo.

Samantala, nilinaw ni Africa na hindi direktang dulot ng pulitika ang patuloy na paghina ng piso kundi ang matinding pagdepende ng bansa sa importasyon, na lalo umanong nagpapataas sa halaga ng mga inaangkat na produkto at nagpapabigat sa ekonomiya ng Pilipinas.