Dagupan City – Tinuruan ng mga ahensya ng agrikultura ang mga magniniyog sa Pangasinan ng alternatibong pagkakakitaan gamit ang mga by-products ng niyog.

Dalawampu’t limang kinatawan mula sa iba’t ibang coconut farmers associations ang dumalo sa pagsasanay na isinagawa sa Calasiao kung saan itinuro ang paggawa ng charcoal briquettes mula sa bao ng niyog at wood vinegar fertilizer.

Layunin ng programa na mabawasan ang pagtatapon ng coconut waste at gawing kapaki-pakinabang ang mga ito sa pamamagitan ng environment-friendly na produksyon.

--Ads--

Ayon sa mga trainer, malaking tulong ang coconut charcoal bilang murang alternatibo sa LPG at ordinaryong uling lalo ngayong mataas ang presyo ng panggatong.

Gumagamit din umano ng carbonizer machine sa proseso upang mabawasan ang usok at polusyon kumpara sa tradisyunal na open burning.

Sinabi rin ng mga eksperto na mas matipid gamitin ang coconut briquettes dahil kaunting piraso lamang ay sapat na para sa pagluluto ng pagkain.

Target ng programa na mas marami pang coconut farmers sa lalawigan ang mabigyan ng pagsasanay upang magkaroon ng dagdag na kita mula sa mga produktong gawa sa niyog.