Dagupan City – Maituturing na ikatlong kaso ng pag-abandona ng isang bata ang nangyaring insidente ng pagkakatagpo sa isang bagong silang na sanggol sa Barangay Lipit Norte sa bayan ng Manaoag.

Ang mga naunang kaso kasi ay kabilang ang isang sanggol na iniwan sa simbahan at isang 8 hanggang 9 taong gulang na bata na natagpuan sa isang lugar.

Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, nakita ang sanggol madaling araw ng Mayo-5 sa tabing kalsada malapit sa isang sari-sari store.

--Ads--

Aniya na bakas pa ang dugo nito na mahahalatang bagong panganak.

Buti lamang umano ay agad napansin ng ilang residente ang bata at ipinagbigay alam sa barangay opisyal at kapulisan para sa tamang pangangalaga kung saan dinala ito sa Manaoag Community Hospital.

Gumawa naman ng hakbang at paraan ang LGU para mabigyan ng karampatang tulong lalo na sa kanyang kalusugan at pangangailangan bilang sanggol.

Pinangalanan itong “Baby Angel” dahil isa itong babae kung saan nanatili ng 8 araw sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office, Manaoag Community Hospital at LGU Manaoag.

Maraming mamamayan ang kusang-loob na nagbigay ng damit, diaper, at iba pang pangangailangan ng sanggol.

Saad pa nito na tumulong din ang ilang mga ina na nasa ospital na may bagong panganak sa pamamagitan pag-alok ng kanilang gatas para sa bata.

May mga ilan din na ang nagpahayag ng pagnanais nilang ampunin ang bata pero kailangan silang dumaan sa tamang proseso.

Pagkatapos nito, opisyal na inihain ang lahat ng kinakailangang dokumento at ipinadala ang bata sa National Authority for Child Care-Regional Alternative Child Care Office (RACO) ng DSWD para sa karagdagang pangangalaga at proseso ng pag-aampon.

Dahil dito, Binigyang-diin ni Mayor Rosario na ang bawat bata ay biyaya mula sa Diyos at dapat tratuhin ng may pagmamahal at responsibilidad.

Pinayuhan niya ang mga magulang na maging maingat at responsable, at laging isipin ang Diyos bago gumawa ng anumang desisyon.

Bawat bata aniya ay may karapatang mabuhay at makatanggap ng pagmamahal at pangangalaga mula sa kanilang mga magulang.

Dapat umanong maging responsableng mga magulang at huwag hayaang mangyari muli ang ganitong sitwasyon.

Hinihikayat din ng lokal na pamahalaan ang mga mamamayan na maging mapanuri at agad na makipag-ugnayan sa awtoridad kung makakakita ng mga bata na inabandona o nangangailangan ng tulong.

Ipinapaalala rin na ang pag-abandona sa bata ay labag sa batas at maaaring magdulot ng matinding parusa sa mga gumagawa nito.