Dagupan City – Mas pinaigting ng Binmaley Municipal Police Station ang iba’t ibang police operations upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa bayan, kabilang ang pagpapatupad ng bike patrol, foot patrol, mobile patrol, at checkpoints.
Ayon kay PLtCol Lister A. Saygo, bahagi ng kanilang mandato ang patuloy na pagpapalakas ng police visibility sa iba’t ibang lugar sa Binmaley.
Kabilang sa mga bagong aktibidad ng himpilan ang bike patrol na nakatalaga sa mga lugar at kalsadang madaling marating gamit ang bisikleta.
Ayon sa opisyal, nakatutulong ito upang makatipid sa gasolina habang napapalawak pa rin ang pagbabantay ng pulisya sa komunidad.
Patuloy rin umano ang foot patrol ng kapulisan sa mga palengke at mga eskinita habang ang mobile patrol naman ay nakatalaga sa mga barangay na mas malalayo ang lokasyon.
Layunin ng mga operasyon na paalalahanan ang mga residente hinggil sa tamang pag-iingat lalo na sa gabi at sa pagbabantay ng kanilang mga negosyo at ari-arian.
Mas pinaigting din ng PNP Binmaley ang deployment ng mga pulis tuwing may mga piyesta at pagtitipon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko habang nagdiriwang ang mga residente.
Bukod dito, patuloy din ang pagpapatupad ng checkpoints at Oplan Sita alinsunod sa tamang police operational procedures upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang mga kriminalidad sa bayan.
Nanawagan din ang hepe ng pulisya sa publiko na magpatuloy sa pakikipagtulungan at pagtitiwala sa kapulisan upang mas maging maayos ang pagpapatupad ng kanilang mandato.
Samantala, pinuri rin nito ang pakikipag-ugnayan ng mga barangay officials at barangay tanod sa PNP sa pagpapanatili ng peace and order sa kani-kanilang lugar.
Inihayag din ni Saygo ang planong pagsasagawa ng seminar para sa mga miyembro ng lupon sa mga barangay upang higit pang mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagresolba ng mga reklamong maaaring maresolba sa antas ng barangay.
Ayon sa Binmaley PNP, mahalaga ang koordinasyon ng barangay at kapulisan upang mapanatiling mapayapa at maayos ang buong bayan.










