Dagupan City – Nasawi ang isang taong gulang na batang lalaki matapos itong malunod sa ilog na katabi ng kanilang tahanan sa Barangay Pao sa bayan ng Manaoag.
Ayon sa paunang ulat ng mga awtoridad, naganap ang insidente bandang alas-10:00 ng umaga.
Kasama umano ng bata ang kanyang ina, na kamakailan lamang nanganak, nang bigla itong mawala sa paningin ng magulang.
Makalipas ang ilang sandali, nakita na lamang ng ina ang kanyang anak na palutang-lutang sa ilog at wala nang malay.
Agad namang isinugod ang bata sa pinakamalapit na pagamutan upang malapatan ng lunas, ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Dahil sa nangyari, nagpaalala ang mga kapulisan sa mga magulang at tagapag-alaga na tiyaking mahigpit na nababantayan ang mga bata, lalo na ang mga nakatira malapit sa mga ilog, sapa, batis, at iba pang anyong tubig lalo na kapag ang mga bata ay wala pa sa sapat na gulang na makapag-ingat sa sarili, upang maiwasan ang mga katulad na trahedya.










