Mga kabombo! Naniniwala ba kayo sa suwerte?
Eh paano kung malaman niyong ang ultimate lukcy charm pala ay lupa?
Trending kasi ngayon sa China ang isang kakaibang produkto na ibinebenta online, ang tinatawag na “bank soil” o lupa na nagmula sa malalaking banko.
Ayon sa mga sellers, ang lupa raw na ay may kakayahang magdala ng suwerte at yaman sa sinumang bibili nito.
Ngunit ang tanong, bibibili ka rin ba nito kung malaman mo ang presyo? Ang “bank soil” ay umaabot sa 888 yuan o katumbas ng P7,300 kada pouch, depende rin sa pinagmulan nitong banko. Ngunit mayroon din namang mas mura na aabot sa P200.
Ayon sa ilang online vendors, ang lupa ay kinokolekta nang manu-mano mula sa mga paligid ng mga banko, sa mga paso sa loob ng banko, o maging sa alikabok mula sa mga money-counting machines.
Ang ilan ay nagpapatunay pa ng “authenticity” ng produkto sa pamamagitan ng video, kung saan makikita ang aktuwal na paghuhukay ng lupa sa labas ng banko.
Maraming mamimili ang tila nahumaling sa paniniwalang ito. Isang negosyante ang nagsabing bumili siya ng “bank soil” upang makatulong sa paglago ng kanyang negosyo. Dagdag pa niya, marami rin siyang kakilalang bumili ng naturang produkto.
Sa kabila ng kasikatan nito, umani rin ng kantiyaw ang “bank soil trend” sa social media. May ilang mga netizens ang humirit na kung bakit hindi sila yumayaman gayong nakatira naman sila malapit sa banko.
Samantala, nagbabala naman ang isang eksperto na posibleng ituring na panloloko kung ang ibinebentang lupa ay hindi naman talaga mula sa banko. Bukod pa rito, may batas sa urban landscaping sa China na ipinagbabawal ang pagdudukal ng lupa sa pampublikong espasyo.