DAGUPAN CITY- Nasawi sa Anti-Illegal Drug Operation ng Urdaneta PNP ang isang High Value Individual sa Barangay Palina East, sa nasabing syudad matapos maka-enkwentro ang mga kapulisan.

Ayon kay Plt. Col. Jojit Mananquil, Deputy Commander ng PNPDEG SOU1, ang suspek ay dati na rin naaresto ng kanilang kapulisan sa parehong kaso.

Aniya, nang isinagawa nila ang nasabing buy-bust operation ay tinutukan umano ng suspek ng isang revolver ang pulis na nagsasagawa ng surveillance sa lugar.

--Ads--

Dahilan para maalerto ang kanilang pwersa at nauwi ito sa pagkakasawi ng suspek.

Nakitaan naman ito ng 8 medium-sized plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may higit-kumulang 40 grams na bigat.

Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na mula sa Metro Manila ang supplier ng suspek at kaniyang dinadala ito sa lalawigan at kalapit probinsya.

Sinabi pa ni PLt. Col. Mananquil na mula sa isang concerned citizen ang impormasyon na kanilang nakuha hinggil sa suspek.

Binigyan halaga naman niya ang pakikipagtulungan ng komunidad sa pagsawata sa mga kaparehong kaso.

Tinitiyak naman nila na ‘highly confidential’ ang impormasyon ng dumulog na concerned citizen upang mapanatili ang kanilang seguridad.