DAGUPAN CITY- Pinangunahan ng Pangasinan National High School (PNHS) ang isang buwang paghahanda para sa Brigada Eskwela 2025, katuwang ang mga guro, magulang, estudyante, at iba’t ibang organisasyon upang matiyak ang kahandaan ng paaralan sa pagbubukas ng klase.
Ayon kay John Lloyd Palma, presidente ng Supreme Secondary Learner Government (SSLG), agad nilang sinimulan ang mga aktibidad gaya ng pagpipintura ng mga silid-aralan, pagkukumpuni ng bubong, at pag-aayos ng mga hardin. Sa kabila ng pag-ulan, nagpapatuloy pa rin ang mga gawain.
Nagbigay rin ng donasyon ang ilang indibidwal at organisasyon. Isa sa pinakamalaking tulong ay mula sa isang pribadong foundation na nagbigay ng PHP 30,000 para sa pagpapaganda ng mga pasilidad. Mahigit 6,000 estudyante ang naka-enroll ngayong taon sa PNHS.
Hinihikayat din ng pamunuan ang iba pang estudyante na makiisa sa Brigada Eskwela bilang simbolo ng pagkakaisa at malasakit sa sariling paaralan.
Tiniyak ng PNHS na handang-handa na ang paaralan para sa pagbubukas ng klase.