DAGUPAN CITY — Patay ang isang 48-anyos na lalaki matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Dulag, Lingayen, Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Noven Quitalig, Operation PCAD at PCU, Lingayen PNP, sinabi nito na lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na nagkayayaan ang biktima na kinilalang si Salvador de Guzman, isang delivery boy at residente ng Bugallon, Pangasinan, at ang kanyang asawa na kumain ng lugaw matapos itong mag-deliver ng isda sa nasabing lugar nang maganap ang insidente.

--Ads--

Ani Quitalig na paglabas ng biktima ng karinderya ay bigla na lamang umano siyang nilapitan ng suspek na lulan ng isang motorsiklo at may suot na bonnet at pinagbabaril bago ito tumakas. Sa mga sandaling iyon aniya ay nagbabayad ang asawa ng biktima kaya hindi ito nadamay sa krimen.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na naging dahilan naman ng kanyang kamatayan. Bagamat naitakbo pa sa ospital ng mga rumespondeng opisyal ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan ay idineklara rin itong dead on arrival.

Narekober naman ng kapulisan sa crime scene ang ilang basyo ng Calibre .45 na baril.

Sa ngayon ay inaalam pa rin ng kapulisan ang motibo ng suspek sa pagpaslang sa biktima, habang nagpapatuloy din ang isinasagawang manhunt operation ng Lingayen PNP upang mahuli at mapanagot sa batas ang suspek.