DAGUPAN CITY- Nahaharap sa kasong double attempted homicide at frustrated homicide ang isang lalaki matapos nitong pagsaksakin ang kanyang dalawang kapatid at isang kainuman nito sa bayan ng Lingayen.

Ayon sa panayam kay PLt. Col. Amor Mio Somina, Chief of Police ng Lingayen PNP, na nangyari ang insidente ng gabi sa Brgy. Talogtog sa naturang bayan, kung saan galing sa labas ang suspek nang makita nyang nag-iinuman ang kanyang dalawang kapatid kasama ang isang kapitbahay sa loob ng kanilang compound.

Sinabihan umano nya ang isa nyang kapatid na tigilan na ang kanilang inuman. Ngunit nauwi sa pagtatalo hanggang sa bigla na lamang kumuha ng kitchen knife ang suspek at doon nya sinaksak ang kaniyang kapatid na nakasagutan.

--Ads--

Dagdag pa nito na umawat naman ang isa pa nilang kapatid at ang kapitbahay na kainuman ngunit sinaksak din ito ng supek.

Samantala, agad naman na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima na magkapatid dahil nakapagtamo ang mga ito ng mababaw na sugat habang ang isa nilang kapitbahay na kainuman ay nakapagtamo ng tatlong saksak sa kanyang katawan at kasalukuyan pa ring nagpapagaling.

Inihahanda na rin ang kasong isasampa sa suspek.