Pinapayagan ang ilang exemption sa mga ipinatutupad na patakaran o mga lokal na ordinansa sa bayan ng Santa Barbara, lalo na kung may sapat at makatuwirang dahilan ang mga residente.
Ayon kay Plt.Col. Michael Datuin, COP, Sta. Barbara PNP, patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng iba’t ibang lokal na ordinansa alinsunod sa direktiba ng DILG.
Kabilang aniya sa mga ipinatutupad ang curfew para sa mga kabataan, kung saan pinapayagan lamang silang manatili sa labas kung may kasamang magulang, may mahalagang lakad, o may layuning pang-edukasyon tulad ng paggamit ng libreng internet sa ilang mga establishimento.
Habang hindi pinapayagan ang simpleng pagtambay o paglalaro sa labas lampas sa itinakdang oras.
Ayon kay Datuin, sinisita rin ang mga indibidwal na naglalakad sa pampublikong lugar nang walang suot pang itaas o topless kung wala namang malinaw na dahilan, bagamat pinapayagan ito kung may kaugnayan sa trabaho lalo na sa mainit na panahon.
Para naman sa mga nagtitipon sa gabi, ipinagbabawal din ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar gaya ng mga kalsada, at pinapayagan lamang ito sa loob ng pribadong lugar.
Samantala, may umiiral ding regulasyon sa paggamit ng videoke kung saan hanggang alas-diyes lamang ng gabi ito pinapayagan upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad.
Umaasa ang kapulisan sa patuloy na pakikiisa ng publiko para sa mas maayos at ligtas na komunidad.










