Arestado ang ilang drug personalities matapos ang matagumpay na pag-dismantle ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 sa dalawang drug den sa Urdaneta City.

Ayon kay Julius M. Paderes Director, PDEA Region I, ang operasyon ay bunga ng tip mula sa isang concerned citizen, na agad namonitor at na-verify ng PDEA kasama ang Philippine National Police (PNP).

Ipinahayag ng opisyal na isa sa mga hamon ng operasyon ang lokasyon ng drug den, na malapit sa palengke, paaralan, at opisina ng gobyerno.

--Ads--

Gayunpaman, sa pamamagitan ng “precision technique” at pagtutulungan ng PNP, napigilan ang mga lookouts ng grupo at nasigurado ang kaligtasan ng mga operatiba at residente.

Sa naturang operasyon, nakumpiska ang shabu, drug paraphernalia, at iba pang ebidensya na magpapatibay sa kaso laban sa mga naaresto.

Ang mga personalidad ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA Pangasinan Provincial Office at haharap sa mga kasong kriminal sa korte.

Samantala, binigyang-diin din ni Paderes ang kahalagahan ng pakikiisa ng komunidad sa paglaban sa droga.

Bukod sa operasyon, binanggit din niya ang Balay Silangan, isang reformation center para sa mga sangkot sa droga, na naglalayong tulungan silang maging produktibong miyembro ng lipunan.

Nagbigay babala naman ito sa mga sangkot sa ilegal na droga, na kung patuloy na gagawa ng masama, ay ihahain nila ang buong bigat ng batas laban sa mga ito.