Dagupan City – Inilunsad noong ika-1 ng Mayo sa lalawigan ng Pangasinan ang GAMOT Program ng PhilHealth, isang hakbang na naglalayong palawakin ang akses ng mga mamamayan sa abot-kayang serbisyong medikal at mga kinakailangang gamot.

Pinangunahan ang programa ni Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III, kasama ang mga kinatawan mula sa PhilHealth, Department of Health, at Philippine Statistics Authority.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng gobernador ang patuloy na pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan sa PhilHealth, lalo na sa matagumpay na implementasyon ng mga naunang programa tulad ng Konsulta at YAKAP.

--Ads--

Ipinahayag niya ang buong suporta ng lalawigan sa bagong inilunsad na GAMOT Program at ang determinasyon ng Pangasinan na maging nangunguna rin sa pagpapatupad nito.

Ayon sa gobernador, mahalaga ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno upang matiyak ang maayos at epektibong paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan.

Aniya, ang tagumpay ng mga programa ay nakasalalay sa maayos na komunikasyon, transparency, at sama-samang layunin na mapabuti ang kalagayan ng publiko.

Binigyang-halaga rin niya ang pagsasantabi ng mga pagkakaibang pulitikal upang higit na mapagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga mamamayan.

Iginiit niya na ang panunungkulan sa gobyerno ay isang pansamantalang mandato na dapat gamitin upang makapaglingkod nang tapat at may malasakit.

Ibinahagi rin ng gobernador ang mga hamon na hinarap ng lalawigan sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa, kabilang ang kakulangan ng tauhan sa PSA na may mahalagang papel sa pagproseso ng mga dokumento.

Sa kabila nito, naisakatuparan pa rin ang mga inisyatiba sa pamamagitan ng masinsinang pakikipag-ugnayan sa mga pambansang ahensya at paggamit ng mga estratehiyang naglalayong pagsabay-sabayin ang iba’t ibang serbisyo sa iisang lugar at okasyon.

Dagdag pa niya, ang ganitong pamamaraan ay naglalayong mas mapakinabangan ang limitadong yaman ng pamahalaan habang mas napapalawak ang saklaw ng mga programang naihahatid sa mga mamamayan.

Samantala, inihayag din ng gobernador ang mga planong pangkalusugan ng lalawigan, kabilang ang inaasahang pondo mula sa Department of Health para sa pagpapatayo at pagpapahusay ng mga ospital sa iba’t ibang distrito.

Kabilang dito ang planong pagtatayo ng isang multi-specialty hospital sa bayan ng Binalonan upang mas mapalapit ang serbisyong medikal sa mga residente.

Ang paglulunsad ng GAMOT Program ay itinuturing na mahalagang bahagi ng mas malawak na layunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan na paigtingin ang serbisyong pangkalusugan at tiyakin na mas maraming mamamayan ang makikinabang sa mga programang pangkalusugan ng gobyerno.