DAGUPAN CITY- Isang 38-anyos na wanted person na itinuturing na huling natitirang miyembro ng Tarog Drug Group na nag-ooperate sa lalawigan ng Sorsogon ang naaresto ng mga awtoridad bandang alas-sais ng gabi noong Pebrero 1, 2026 sa bayan ng San Jacinto, Pangasinan.
Ayon sa pulisya, matagal nang tinutugis ang suspek kaugnay ng ilegal na operasyon ng droga sa Bicol Region.
Dahil sa kanyang pagkakadakip, tuluyan nang nadismantle ang Tarog Drug Group na matagal na ring minamanmanan ng mga awtoridad.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet na hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 10.76 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng 73,168 piso base sa standard drug value.
Batay sa imbestigasyon, nailabas pa noong 2018 hanggang 2019 ang warrant of arrest laban sa suspek.
Gayunman, naging mahirap ang kanyang paghahanap dahil sa madalas nitong pagpapalit ng tirahan at pananatili sa iba’t ibang lugar upang makaiwas sa pag-aresto.
Kahapon, Pebrero 3, pormal na nai-turn over ang suspek sa Sorsogon Intelligence Unit para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Siya ay mahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga komunidad.










