Dagupan City – Inaasahang magpapatuloy sa huling araw ng confirmation of charges ang pagdinig laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng kasong kinahaharap nito sa International Criminal Court, kung saan posibleng umusad na sa pormal na paglilitis o trial ang proseso at ilalatag ang mas matitibay na ebidensya laban sa dating pangulo.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law expert, hindi basta-basta ang mga pahayag at ebidensyang inihaharap sa korte dahil may bigat at masusing pagsusuri ang bawat detalye.

Bagama’t iginiit ng depensa, sa pangunguna ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman, na hindi dapat umusad ang kaso sa full-blown trial, binigyang-diin naman na may mga estadistika at datos na nagpapakita ng bilang ng mga nasawi sa kampanya kontra droga.

--Ads--

Ani Cera, may ilang pahayag ng dating pangulo na umano’y na-cluster o na-sensationalize lamang sa social media, ngunit may hiwalay at konkretong ebidensya ang prosekusyon na posibleng magpatibay sa mga alegasyon.

Dagdag pa niya, sa oras na tumuloy ang kaso sa trial, inaasahang ihaharap ang mga video, testigo, at iba pang dokumentaryong ebidensya upang patunayan ang pananagutan ng dating pangulo.

Binibigyang-diin din umano ng prosekusyon ang paggamit ng mga salitang tulad ng “papatayin” at ang isyu ng mga suspek na sinasabing “nanlaban,” kung saan may mga alegasyon ng paglalagay ng ebidensya gaya ng shabu at baril upang mabigyang-katwiran ang operasyon.

Samantala, depensa naman ng kampo ni Duterte na walang direktang utos o malinaw na intensyon ang dating pangulo na pumatay.

Ayon kay Cera, ang ganitong linya ng depensa ay dati nang narinig sa mga pagdinig sa Kongreso at maging sa mga naunang public statement ng dating pangulo kung saan ipinaliliwanag nito ang kanyang mga naging desisyon.