Walang kapantay ang init at suporta ng mga Filipino fans at pinatunayan ito ng Blooms, ang masugid na tagasuporta ng Nation’s Girl Group na BINI.
Suot ang kanilang mga paboritong OOTD at bitbit ang kani-kanilang “bloombilya” light sticks, dagsa ang Blooms sa Mall of Asia Arena noong Linggo, Hunyo 29, para sa Here With You Homecoming Fan Meet ng BINI.
Dumating ang mga ito sakay ng mini tour bus at ang kani-kanilang kasuotan ay sumisimbolo sa mga bansang kanilang napuntahan sa matagumpay na world tour.
Buong pasasalamat na ibinahagi ng BINI ang kanilang saya at pagkabigla sa naging tagumpay ng kanilang 15-city world tour.
Isa naman sa mga tampok ng fan meet ay ang kanilang kauna-unahang live performance ng “Shagidi,” na naging isang dance mob na nilahukan ng mahigit 100 Blooms.
Bilang dagdag na sorpresa, ipinamalas din ng BINI ang full performance ng “Zero Pressure,” na unang ipinasilip sa Aurora Festival noong Mayo.