Dagupan City – Sugatan at kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang isang 40-anyos na furniture maker matapos umanong saksakin sa isang lamay sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.
Naganap ang insidente pasado ala-una ng madaling araw sa Brgy. Tempra Guilig sa nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasa isang lamay ang biktima nang dumating ang suspek at kinompronta ito kaugnay ng isang matagal nang alitan.
Habang nagtatalo ang dalawa ay bigla umanong naglabas ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa tiyan.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima upang mabigyan ng kaukulang lunas at masuri ang tinamong sugat.
Samantala, mabilis na naaresto ng mga awtoridad ang suspek matapos ang insidente at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito.










