Nanatiling ligtas ang Filipino Community sa Lebanon matapos ang naganap na aistrike ng Israel sa sa isang nayon sa katimugang Lebanon na ikinasawi ng hindi bababa sa 12 katao.

Ayon kay Lisa Robredillo, Bombo International News Correspondent sa Lebanon, malayo sila sa pinangyarihan ng airstrike.

Aniya, nananatiling normal ang pamumuhay nila sa sentro ng Beirut.

--Ads--

Samantala, sa kabila ng tensyon at patuloy na pangamba sa seguridad sa Lebanon, nagsama-sama ang Filipino community para sa kauna-unahang Fun Run 2026 na nilahukan ng mga Overseas Filipino Workers.

Layunin ng aktibidad na pag-isahin ang Filipino community sa pamamagitan ng isang gawaing nagsusulong ng kalusugan, pagkakaisa at pakikipagkapwa.

Sinabi ni Robredillo na binigyan ng pahintulot ng Beirut Municipality ang pagsasagawa ng naturang aktibidad, habang sinuportahan naman ito ng Philippine Embassy.

Tinatayang nasa 300 Filipino participants ang nakiisa sa fun run.

Bagama’t may mga katulad na aktibidad na isinasagawa na ng ibang nationalities sa Lebanon, unang pagkakataon pa lamang na nagsagawa ng ganitong fun run ang Filipino community sa naturang bansa.

Sa pamamagitan ng aktibidad, naipamalas ng mga Pilipino ang kanilang pagkakaisa at positibong pananaw sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng komunidad sa Middle East.

Samantala, balak ng Filipino community na gawing taunang aktibidad ang fun run at, kung maaari, ay isagawa ito nang dalawang beses kada taon.