Dagupan City – Nagkaloob ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang pamahalaang pambansa ng emergency cash transfer assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng nakaraang Super Typhoon “Uwan” sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan.

Layunin ng pamamahagi ng tulong pinansyal na masuportahan ang mga residenteng nakaranas ng matinding pinsala sa kanilang tahanan at kabuhayan matapos ang malawakang pagbaha at malalakas na pag-ulan na idinulot ng bagyo sa iba’t ibang barangay sa nasabing bayan.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga pamilyang pansamantalang lumikas sa mga evacuation center gayundin ang mga nanatili sa kanilang komunidad ngunit lubhang naapektuhan ng ulan at pagbaha sa mabababang lugar. Marami sa kanila ang nawalan ng mga gamit sa bahay, pananim, at pinagkukunan ng araw-araw na kita dahilan upang mangailangan ng agarang tulong mula sa pamahalaan.

--Ads--

Isinagawa ang distribusyon ng emergency cash transfer matapos ang isinagawang assessment at validation ng mga social worker upang matiyak na ang tulong ay maipagkakaloob sa mga residenteng kabilang sa pinakaapektadong sektor.

Ayon sa lokal na pamahalaan, malaking ginhawa ang naturang tulong lalo na sa mga magsasaka at maliliit na negosyanteng naapektuhan ng pagbaha.

Patuloy naman ang koordinasyon ng DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno upang masigurong matutugunan pa ang karagdagang pangangailangan ng mga residente.