Naglabas na ng El Niño Alert ang tanggapan ng PAGASA sa lungsod ng Dagupan kasunod ng pagtaas ng tsansa na mabuo ang nasabing phenomenon sa mga susunod na buwan.
Ayon sa ahensya, inaasahang mararanasan ng mga residente ng Dagupan at iba pang bahagi ng rehiyon ang katamtamang lakas ng El Niño mula buwan ng Hunyo hanggang Agosto.
Batay sa kanilang pinakahuling pagsubaybay at pagsusuri, aabot sa mahigit 80 porsyento ang posibilidad na maganap ito sa nasabing panahon.
Gayunpaman, nilinaw ng PAGASA na hindi pa gaanong matindi ang antas nito sa kasalukuyan dahil nananatiling aktibo ang impluwensya ng hanging Habagat at panahon ng tag-ulan.
Dahil dito, inaasahang makararanas pa rin ng sapat na pag-ulan ang ilang bahagi ng lugar.
Sa kabila nito, pinaalalahanan ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan, sektor ng agrikultura, at pangkalahatang publiko na manatiling mapagmatyag sa mga susunod na abiso tungkol sa panahon.
Hinihikayat silang maghanda sakaling lumakas pa ang epekto ng El Niño sa mga darating na buwan.










