Nagpaalala ang Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan sa mga online seller at trader na tiyaking rehistrado ang kanilang negosyo, alinsunod sa Republic Act 11967 o Internet Transactions Act.
Ayon kay Natalia Dalaten, Provincial Director ng DTI Pangasinan, ang lahat ng nagbebenta ng produkto at serbisyo online ay kinakailangang may wastong business registration.
Para sa mga single proprietor, kailangan ang business name registration mula sa DTI. Kung korporasyon naman, kinakailangan ang rehistro mula sa Securities and Exchange Commission, habang ang mga kooperatiba ay dapat may sertipikasyon mula sa Cooperative Development Authority.
Batay sa Internet Transactions Act, layunin ng batas na protektahan ang karapatan ng mga mamimili sa mga transaksyong ginagawa sa internet at matiyak na ang mga produktong ibinebenta online ay sumusunod sa product standards at sa Philippine National Standards.
Saklaw ng batas hindi lamang ang pagbebenta ng produkto kundi maging ang pagbibigay ng serbisyo online.
Kasama rin sa regulasyon ang mga kasunduan sa pagitan ng seller at buyer na may kaugnayan sa online transaction.
Patuloy ang paalala ng DTI sa mga online seller na sumunod sa mga itinakdang regulasyon upang maiwasan ang posibleng paglabag sa batas.










