Sa pagdiriwang ng Rabies Awareness Month ngayong Marso ibinabala ng DOH Region I ang panganib ng kagat ng alagang hayop.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Center for Health Development – DOH Region I ang rabies ay viral disease na maaaring makuha mula sa kagat ng infected na aso o pusa.

Ito ay 100% fatal kapag lumitaw na ang sintomas ngunit 100% preventable sa pamamagitan ng bakuna.

--Ads--

Kapag nakagat o nasugatan ng hayop, agad na hugasan ang sugat ng sabon at malinis na tubig, ibabad ng 10–15 minuto, at takpan ng malinis na gauze bago dalhin sa pinakamalapit na animal bite treatment center para mabigyan ng bakuna.

Sintomas ng rabies ay maaaring lumitaw mula isang linggo hanggang tatlong buwan, kabilang ang takot sa hangin at tubig, pagbabago ng ugali, sakit ng ulo, at pagsusuka.

Kapag lumitaw na ang sintomas, wala nang lunas at kadalasang nagdudulot ng kamatayan.

Upang maiwasan ang rabies, pinayuhan ni Dr. Bobis ang lahat na maging responsableng pet owner sa pamamagitan ng taunang pagbabakuna ng mga aso at pusa, at pagbibigay ng malinis na tirahan at pagkain sa mga alaga.

Kung ang ating mga alaga ay hindi nagkakaroon ng rabies, bumababa rin ang posibilidad na tayo ay makakuha nito.

Kaya laging tandaan aniya na ang rabies is 100% preventable.