Mga Kabombo hanggang saan mo kaya protektahan ang iyong sarili kung ikaw ay sakaling makatagpo ng isang malahiganteng pating sa karagatan?

Kakayanin mo bang tapatan ang lakas ng pating at ang mga naglalakihan nitong pangil? Ang ating bansa ay napaliligiran ng karagatan, kaya naman normal na sa atin ang makatanggap ng balita na may namataang pating na sakop ng ating teritoryo.

Ngunit isang kakaibang karanasan ang naranasan ng isang diver na si Angus Kockott, 20 anyos na mula sa bansang South Africa.

--Ads--

Kalmado pa ang karagatan bago bumaba si Angus mula sa bangkang kanyang sinasakyan, habang sila ay pailalim nang pailalim, ang tangi lamang nilang nakikita ay ang mga maliliit na isda at ang naggagandahang corals sa ilalim.

Subalit, laking gulat ni Angus nang may matanaw siyang isang pating at bigla na lamang siya nitong inatake.

Agad na ipinangdepensa ni Angus ang kanyang braso upang hindi makagat ang kanyang leeg, at dali-dali siyang umahon pabalik sa bangkang kanyang sinasakyan.

Sinubukan din ni Angus na iligaw ang pating, dahil sinundan pa siya nito.

Agad naman siyang ni-rescue ng Military Aircraft patungo sa Tahiti Hospital.

Matapos ang halos anim na oras ng kanyang operasyon, kinumpirma ng mga doctor na may nakuhang naputol na pangil mula sa sugat ni Angus sa kanyang braso.

Ayon kay Angus, kung hindi niya ipinangdepensa ang kanyang braso, tiyak na mapupuruhan ang kanyang leeg.

Samantala, ang pangil na nakuha sa sugat ni Angus ay ginawa niyang hikaw. Ipinagpapatuloy naman ang kanyang therapy at nerve treatments sa mga sugat na kanyang natamo.

Ang earring na suot ni Angus ay simbolo na isa siyang survivor mula sa kamatayan.