Dagupan City – Pinalawig ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang kasunduan sa pamamahala ng foreshore area sa Barangay Zaragoza sa bayan ng Bolinao upang palakasin ang lokal na produksyon ng asin at mapanatili ang kabuhayan ng mga manggagawa sa asinan.
Sakop ng kasunduan ang 473.88 ektaryang baybaying lupain na dating inuupahan ng isang pribadong kumpanya at ngayon ay muling binubuo sa ilalim ng salt sharing production agreement.
Layunin ng pinagtibay na kasunduan na paunlarin ang industriya ng asin sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at mga estratehiya sa tamang pamamahala ng lugar.
Tinitiyak din ng proyekto ang pagpapatuloy ng trabaho ng mga kasalukuyang manggagawa at ang pagtaas ng kalidad ng asin para sa lokal na merkado habang pinangangalagaan ang kalikasan sa paligid ng nasabing bayan.
Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang kakulangan ng suplay ng asin sa bansa, matapos na maitala noong 2022 na umaabot sa 93 porsyento ng kabuuang pangangailangan o humigit-kumulang 600,000 metriko tonelada bawat taon ang inaangkat mula sa ibang bansa.
Sa pagpapatuloy ng proyekto, inaasahang muling maibabalik ang Pangasinan bilang pangunahing sentro ng produksiyon ng asin sa Pilipinas.










