Dagupan City – Nakatutok ngayon ang mga organizer ng 2026 Asian Games sa Aichi Prefecture, Japan, sa banta ng paparating na bagyo na posibleng makaapekto sa biyahe at transportasyon ng mga atleta at opisyal patungo sa iba’t ibang venue ng kompetisyon.

Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, umaasa ang mga organizer na hindi maaapektuhan ng masamang panahon ang mga venue na pagdarausan ng mga laro.

Gayunman, ilang venue na umano ang nakaranas ng pagbaha matapos umapaw ang tubig sa ilang lugar, dahilan upang magsagawa ng agarang pagsasaayos at paghahanda ang mga kinauukulan para matiyak ang maayos na pagdarausan ng mga event.

Bukod sa lagay ng panahon, isa rin sa kinakaharap na hamon ang accommodation para sa dumaraming bilang ng mga kalahok.

Mula sa tinatayang 11,000 atleta, umabot umano sa 17,000 ang kabuuang bilang ng mga kailangang mabigyan ng matutuluyan, dahilan upang maging malaking problema ang accommodation.

May ilang delegado pa umano na umabot sa 14 na oras ang paghihintay bago mabigyan ng matutuluyan.

Samantala, pasok na sa quarterfinals ng soccer ang Pilipinas at nakatakdang makaharap ang host country na Japan.

Sa kabila ng banta ng masamang panahon at mga hamon sa transportasyon at accommodation, inaasahan naman ang buhos na suporta mula sa Filipino community sa Japan para sa mga atletang Pinoy.

Kabilang naman sa mga inaabangang pambato ng Pilipinas sina Carlos Yulo, Alex Eala, EJ Obiena, Eldrew Yulo, at weightlifter na si Elreen Ando, na makikipagtagisan kasama ang libu-libong atleta mula sa 45 bansa.